Minsan may mga bagay na huli na ang lahat kapag dumadating. Yung tipo na natutunan mo ng i-let go ang bagay na dati’y pinakaiintay-intay mo tapos biglang dadating, kung dun natutunan mo ng sumaya ng wala sya. Dito kayo makakarelate sa Spoken Poetry na to, pinamagatang BAKIT NGAYON PA? Para sa iba pang Spoken Poetry, click here “Akin ka na lang”
“Bakit ngayon pa?”
Okey na’ko
Humilom na ang puso buhat ng ‘yong paglayo
Okey na’ko
Natutunan ko ng umalis sa lugar,
Kung san iniwan mo’ko
Okey na’ko
Tumahan na ang pusong gabi-gabing umiyak
Mula nang tinaboy mo
Okey na’ko
Natutunan ko ng sumaya
Kahit wala ka sa tabi ko
Oo, okey na’ko
Sa loob ng mahabang panahon
Na tiniis ang sakit
At
Mga labing humihikbi
Na ipinipilit ikubli
Kung paanong ang sakit ay gumuguhit sa bawat ugat na dumadaloy sa pusong unti-unti……
Unti-unti nang napapagod,
Mga binting nanginginig,
Mga brasong nilalamig
Buhat ng paghihintay sa’yong pagbabalik
Dahil ipinangako mo sakin
Na “Babalikan kita mahal”
Pero bakit nakita kang..
“May kasamang iba”
At bakas sayo ang kasiyahan,
Nasaksihan kung paanong ang ngiti mo’y ako lang ang dahilan
Pero mali,
Mali nga ata ako,
“Sya na ang dahilan”
Tiniis ko ang sakit,
Kung paanong ang mata’y wala ng mailuha
Tiniis ko ang hapdi,
Kung paanong ang kasinungalingan mo’y pinaniwalaang bigla,
Tiniis ko ang hirap
Kung paanong hiniling mo’y ihinto muna lahat
Sa pag-aakalang gusto mong magpahinga,
Di aakalain na palusot lang pala,
Mas pinili mo’kong mag-isa,
Para makasama sya,
Mas pinili mong masaktan ako ng sobra
Mapasaya lang siya,
At mas pinili mong wasakin ang aking puso
Sa kagustuhan mong piliin sya
At sa paglipas ng panahon
Kasabay ng pagbangon,
Mula sa banig ng pagkakalugmok
Pero bakit sa likod ng lahat,
bumalik kang bigla,
at makikiusap na muling pagbigyan ka,
na para bang kending kay daling ibigay sa bata,
Hindi ganun kadali,
Pagkat hindi na ikaw ang pinipili
At pipiliing mahaling muli
Kaya pakiusap, wag ka ng bumalik
Tama na ‘yong sinaktan mo ko ng sobra
Tama na yung binuhos na luha
Tama na, kasi masaya na’ko
Kaya pakiusap
Ngayon lang ako nakaramdam ng kaligayahan
Kaya wag mo ng hadlangan,
Makakaalis ka na,
Hindi na kita kayang mahalin pa,
Pasensya,
Ngayo’y may mahal na kong iba
Pasensya,
Hindi na’ko tanga
Pasensya,
Hinding-hindi na ko manghihinayang pa,
Natuto na’ko
Hindi na ako tulad ng dating minahal mo
Na akala mong muling magpapaloko,
Masaya na’ko
Okey na’ko
Kaya pakiusap,
Umalis ka na
Maligaya na’ko sa piling niya
-Anneca Mendez