Imbis na sabihin at ayusin, hinayaan mo lang akong tangayin ng rumaragasang mga tanong na hindi ko kayang sagutin. Hindi ko alam kung saan uumpisahan ang paglimot sa’yo at sa mga alaala.
Mahirap. Higit na mahirap sa pagpili ko ng susuotin bago kita kitain, o sa pagbabaka-sakali ko sa mga lugar kung saan mo gustong kumain. Wala akong ideya kung paano ka hindi iisipin, aalalahanin — sa gabi at umaga. Kung may payong ka bang dala, kung kumain ka na ba, kung ano ba ang naging problema.
Bigla ka na lang kasing nawala. Walang pasabi, walang senyales kahit kaunti. Daig mo pa ang kalamidad na marunong magparamdam bago manalasa. Didilim muna ang langit, lalamig ang hangin, lilikas ang mga ibon, lalakas ang mga hampas ng alon. Pero ikaw — wala kang babala, masyado kang madaya.
Madamot ka sa abiso. Walang hudyat ang paglisan mo. Naiwan akong blangko — nangangapa — sinisisi ang sarili sa mga pagkakamali ko dati, o mga pagkukulang, hindi ba ‘ko sapat, ano pa bang dapat, naibigay ko naman ang lahat.
Lahat-lahat.
Hanggang sa walang natira sa’kin. Kung mayroon man, mga basag na piraso siguro. Tumumbang mga plano, mga pangarap na naglaho, mga nilipad mong pangako. Nasalanta ang kabuuan ko. Lumubog sa luha ang puso, hindi ko alam kung kailan pa makakaahon ito — o kung makakaahon pa ba ako.
Daig mo pa ang bagyo.
Higit ang pinsalang iniwan mo. Enjoy Reading! Godbless you:)