Sa ganitong pagkakataon hindi mo kailangan madaliin, dahil lahat ng bagay ay may proseso.
Hindi na ako umaasa, .pero hindi pa ako tapos. Iniwan ako pero hindi ko pa kayang iwan siya
Hindi naman natatapos ang bukas, hintayin ko na lang masanay ako sa lahat ng sakit.
Pagkaraan ng masasaya’t tila walang katapusang sandali at oras na magkasama tayo, naiwan ako.
Marami akong hindi inasahan sa nakalipas na dalawang taon at higit sampung buwan, tatlong taon na sana pero isa rin yon sa hindi ko inasahan, iniwan mo ako.
Kaya ngayon, sa pagitan ng mga alaalang hindi ko pa kayang pakawalan kagaya ng simpleng usapan, kain sa labas, kape, kwentuhan, iyong palagian mong pagyakap, paghalik, hawak kamay, at pang-aasar, hanggang sa mga pinaka espesyal na araw sa relasyong mayroon tayo— hindi ko pa rin alam kung papaano na ako.
Nakatarak pa rin ang puso’t isip ko sa mga baka sakali, sa maraming tyansang binaliwala mo pero inintindi ko. Hindi ako umuusad, natatanaw ko ang kasalukuyan mula sa kahapon, ngunit wala pa rin akong magawa kun’di ang saktan ang sarili ko sa paghihintay, sa tao at sa mga bagay na hindi naman na babalik.
Hindi na ako umaasa, pero hindi pa ako tapos, iniwan ako, pero hindi ko pa kayang iwan siya.
Hindi naman natatapos ang bukas, hihintayin ko na lang na masanay ako sa lahat ng sakit.