Ang Umibig Sa Maling Letra
Gaano ba kasakit ang masaktan ng taong pinili mo pero hindi naman ikaw ang kanyang pinili?
Magmumukmok ka na lang ba at iiyak? Bakit hindi mo idaan sa pagsusulat ang iyong mga nararamdaman.
‘Kelan man hindi ikaw magiging siya’. Bakit nga ba, ikaw ang nandiyan para sa kanya pero iba ang nakikita niya?
Ikaw ang ‘A’ ako ang ‘Ya’,
Kahit ang alibata sinasabing malayo tayo sa isa’t isa.
Ako ang panaguri ngunit hindi ikaw ang aking simuno,
At kahit ikaw ang salitang ugat, hindi ako ang panlaping sa ‘yo’y bubuo.
Handa akong mapaos,
Kung ikaw ang ponemang sa dila ko ay dumadausdos.
Dahil ikaw ang inaasam-asam kong parirala,
Subalit hindi ikaw ang salitang pupuno sa ‘king pahina.
Ikaw ang patinig,
Siya naman ang katinig,
Kayo ang nararapat bumuo ng salitang pag-ibig,
Heto lang ako bibilangin ang inyong bawat pantig,
Habang kayo’y binabaybay ang inyong titig,
Puso ko’y ‘di ko na maramdaman ang pintig.
Maaari bang ako na lang ang bantas na kuwit?
At kahit pansamantala lang ang sandali, ay aking mapuslit.
Dahil alam kong siya ang tuldok at sa dulo,
Sa kanya ka rin hihinto.
Sana ako na lang ang taludtod na bubuo sa’yong saknong,
Ngunit isa lang akong patapon na salitang umalpas at naging bulong.
Sapagkat kayo ang magandang paksa,
Sa mga ibuburdang mga tula.
Ayoko nang maging gitling sa inyong dalawa,
Na pumapa-gitna sa parehong perpektong salita,
Tanggap ko na…
Na isa lang akong manunulat,
At kayo ang tayutay na aking isinusulat.
_________________________________________________________________________
This is dedicated to someone very special to me. I hope you enjoy reading my spoken poerty!
If you want more visit our other stories and quotes to get inspire and related.